Monday, January 07, 2008

MARAPAIT

(sa mga taga UP Diliman, lalo na kay zig and co... sa ma lit...happy reading!)

------------------------------------
Marapait [1]
Maikling Kuwentong Pambata
ni Jaime M. Agpalo, Jr.










PINAGPALA ang kabundokan ng Benguet ng ibat-ibang uri ng mga bulaklak.

Ang Benguet Lily ay napakaputi.

Ang Petty Mini Rose ay mga mumunting rosas.

Ang Baby’s Breath ay mga mumunting bituin sa lupa.

Ang Marapait ay kulay dilaw.

At marami pang iba. Sari-saring ang kulay at bango.

Isang araw, si Manang Biday ay namasyal sa Kafagway. [2] Masayang naglalakad sa ekshipit.[3] Namataan niya ang mga bulaklak.

“Ay, ang gaganda!” Hinaplos at hinagkan ang mga bulaklak. “Iuuwi ko sa Ilocos ang pinakamaganda sa inyo!”

“Ako a pinakamaganda! Putim-puti ako. Ako ang iuuwi!” Tuwang-tuwa si Lily.

“Mahiya ka naman sa balat mo! Ako yata ang rosas ng kabundokan. At pinakamabango!” Sabi naman ni Mini Rose.

“Hoy, pwede ba, magsitigil kayo? Ako ang pinakamaganda sa inyo. Dala ko ang kagandahang ng mga bituin. Kaya tinawag akong bituin sa lupa!” Agaw ni Baby’s Breath.

“Ano? Pwede ba? Kakaiba ako sa inyo. Dilaw ako, dilaw!” Sumabad din ni Marapait.

“A, basta, ako ang pinakamaganda. Para lalo pa akong gumanda, hihingi ako ng kaputian kay Ulop!” Ismid ni Lily.

“E, ako din, hihingi ng kutitap sa mga bituin para lalo akong magkutitap!” Sabad naman ni Baby’s Breath.

“Ako din, kay Hamog ako hihingi ng pampaganda!” Sabi naman ni Mini Rose, “Para lalo pa akong bumango…”

“Kay Buwan ako hihingi ng dilaw niyang liwanag para lalong tumingkad ang aking kulay!” Agaw naman ni Marapait.

Kaya, lalong gumanda sina Lily, Mini Rose at Baby’s Breath. May nagbibigay ng kanilang pampaganda. Bigo naman si Marapait.

“Ay, pasensya na, Marapait. Hindi kita matutulongan. Kakaunti lamang ang aking dilaw na liwanag. Hiningi ko rin ito kay Araw. Kulang pa nga, e. ‘Yun ang dahilan kung bakit ga-suklay lamang ako ngayon. Kung minsan nama’y nauubusan ako liwanag, kaya di ako makikita sa mundo.” Sabi ni Buwan.

Nalungkot si Marapait. Kantiyaw pa ang inabot sa mga kasamahan.

“Kapag nasa kapatagan na ako, susundan pa rin daw ako ni Hamog para lalong pagandahin!” Sabi ni Mini Rose.

“Ako rin! Pangako ni Ulop,” agaw naman ni Lily.

“Kayo lang ba? Hinding-hindi ako iiwan ng mga bituin!” Sabad ni Baby’s Breath.

Iniuwi ni Manang Biday ang Lily, Baby’s Breath at Mini Rose.

Mas lalong nalungkot si Marapait. Nag-iiyak. Iyak ng iyak.

Hanggang sumapit ang buwan ng Nobyembre. Dumating ang tag-lamig na dala ni Andap [4] na taga-Siberia. Bakasyunan ni Andap ang Probinsiya ng Benguet. Gustong-gusto kasi ni Andap ang bango ng mga saleng. [5]

“Bakit ka umiiyak?” Tanong ni Andap kay Marapait.

“Pangit ako. Sobrang pangit…”

“Hindi naman. Maganda ka, Marapait. Huwag mong pintasan ang sarili mo. Walang pangit sa ibabaw ng mundo. Lahat ay maganda. Lahat tayo ay nilikha ng Diyos. Walang pangit na nilikha ng Diyos.”

“Hindi totoo yan!. Sina Lily, Mini Rose at Baby’s Breath lang ang maganda. Sila lang ang dinala ni Manang Biday sa kapatagan. May pinagkukunan sila ng pampaganda. Dinadagdagan ni Ulop ang kaputian ni Lily, ang mga bituin naman kay Mini Rose, at kay Hamog naman kay Baby’s Breath.”

Tumawa lamang si Andap. “Hayaan mo, ako ang magbibigay sa iyo ng pampaganda. Kakaibang kagandahan. Naiiba sa lahat ng mga bulaklak!”

“Talaga? Tutulongan mo ako?”

“Oo, gagawin ko na ngayon. Kaya huwag ka nang malungkot, ha?”

Ginaw. Sobrang napakaginaw ang kapaligiran. Umulan ng uraro – ang ga-mais na kimpal ng yelo.

“Ay, habang lumalamig, lalong tumitingkad ang aking kulay. Lalong lumapad ang aking mga petalo.” Nakuha nang tumawa si Marapait. “Maraming maraming salamat, Andap. Napakabait mo.”

Sa isang sanga ng saleng, masayang umaawit ang dalawang ulemshew.[6] Masiglang sumayaw si Marapait. Natutuwa naman si Andap.
“Mula sa buwan na ito, hanggang pagdating ni Tag-araw, ikaw ang pinakamagandang bulaklak ng Benguet! Magpakarami ka at punuin ng kagandahan mo ang buong kabundokan Kordilyera!”

Kaya, tuwing tag-lamig, napakagandang tanawin ang mga Marapait. Nagkalat sila sa lahat ng sulok ng kabundokan ng Kordilyera.

“Ay, napakaganda! Ang ganda-ganda mo, Marapait!” Sabi ni Manang Biday nang muling dumalaw sa Kafagway. Dinampihan pa ng halik ang dilaw na bulaklak.

“Maraming salamat, Manang Biday...”

“Ikaw ang pinakamagandang bulaklak dito sa Benguet!.”

“Totoo, Manang?”

“Oo, naman. Nagsasabi ako ng katotohanan. Saan ka ba kumuha ng pampaganda mo?”

“Kay Andap po, na taga-Siberia.”

Napakaganda ang ngiti ni Manang Biday.

“Iuuwi mo rin ba ako sa kapatagan, Manang?”

“Hindi.”

“Bakit?”

“Huwag kang malungkot. Dahil ikaw ang pinakamagandang bulaklak dito sa Benguet, mas nararapat ka dito.”

“Hindi ba ako nababagay sa kapatagan?”

“Hindi ka dapat mailagay sa plorera na gawa ng tao. Ang dapat sa iyo ay ang pinakamalaki at pinakamagandang plorera, ang kabundokan mismo.” Paliwanag ni Manang Biday.

Matinding ginaw ang kapaligiran. Umulan ng uraro. Alam na ni Marapait kung sino ang dumating.

“Tama ang sinabi mo, Manang Biday. Mawawala ang kagandahan niya kapag dinala siya sa kapatagan. Dito na lang siya. Mainit doon. Malalanta siya. Hindi ko siya masusundan doon. Matutunaw din ako sa sobrang init.” Paliwanag ni Andap.

Kapag buwan na ng Nobiembre, narito na sa Benguet si Andap, mula sa Siberia. Dala niya ang napakalamig na klima. Mag-uulan ng uraro.

Magsimula na rin mamulaklak ang Marapait. Nakakaayang masdan ang dilaw niyang kagandahan sa lahat ng sulok ng kabundokan. Lalo kung idinuduyan ng hangin. Parang gintong-bundok ang tingin sa malayo ang kinumotan niyang bundok.

At pag-dating ng tag-init, maglalaho ang Marapait. Mamamatay. Upang sa panahon ng tag-lamig, muli silang isilang at pagandahin ang kabundokan. Mabuti na lamang nandiyan silang nagpapaganda ng kabundokan. Isipin mo na lamang, kung wala ang mga Marapait, ano ang itsura ng mga bundok na kinalbo ng mga mapagsamantala kay Inang Kalikasan? Ang pangit tignan, di ba?

Kaya, simula noon, hanggang ngayon, sina Baby’s Breath, Lily, Mini Rose at iba pang mga bulaklak lamang ang dinadala sa kapatagan. Maiiwan ang pinakamagandang bulaklak ng Benguet, upang pagandahin ang buong kabundokan ng Kordilyera… # (30)


1. Marapait---local term for sunflower
2. Kafagway---lumang pangalan ng Baguio
3. ekshipit – Nabaloi for wilderness
4. andap--- Nabaloi term for frost
5. saleng – local term pine tree
6. ulemshew – Nabaloi term for isang uri ng ibon

Walang Sugat (buod at reaksyon)

(Para sa mga naghahanap ng buod at reaksyon... thanks 4 visiting my blog...)

WALANG SUGAT
Ni Severino Reyes


I. BUOD:

Tulak ng bibig, kabig ng dibdib ang pag-ibig ni Julia kay Tenyong, taal na kulturang Pinay na kung tawagin ay hele hele bago quiere. [1]

Pinapahirapan ng mga Frayle ang mga bilanggong Pilipino, na inakusahang mga filibusterismo o kaya ay myembro ng Mason. Lalo ang ama ni Tenyong na si Kapitan Inggo.

Nilinlang ng mga Frayle ang mga dalaw ng mga bilanggo, sa pagkukunwaring nirerespeto nila ang karapatang pantao. Ngunit kabaliktaran ang nangyayari. Namatay si Kapitan Inggo at di nakayanan ni (Ina) Putin ang nangyari at hinimatay.

Nag-alsa ang mga kalalakihan. Sigaw ng patriotismo. Dahil ang inang bayang ay inaapi na nang tatlong daang taon. Sinugod ng mga Katipunero ang estacion ang Guiguinto.

Ipinagkakayari ni (Ina) Julia ang anak niyang si Julia kay Miguel na anak ni Tadeo.

Inutusan ni Julia si Lucas na ipagsabi kay Tenyong na ipinagkakayari na ng (Ina) Juana niya kay Miguel at naitakda na ang petsa ng kasal.

Hindi lamang taumbayan ang may sentimyento sa mga kolonisador, kundi mga Paring Pilipino tulad ni Pari Teban.

Inestorya ni Lucas kay Tenyong ang dalawang uri ng Pilipinong bumugbog sa kanya: ang taksil ng bayan, ang Makabebe (Macabebe Scouts) at ng mga Katipunero.

Nalungkot si Tenyong nang nalaman ikakasal na si Julia. Kasama ang mga Katipunero, bumaba sila sa bayan. Nagkunwaring sugatan si Tenyong upang makasal kay Julia. Iyon nga ang nangyari, ikinasal sila. Sila rin sa huli. At hindi sugatan ang kanilang pag-iibigan.


II. REAKSYON:


1) Ang dulang ito ay isang comediane humaine.[2]

2) Hindi humiwalay sa punto ng romantisismo [3] ang dula dahil nalulugmok sa mga sumusunod: a) pangunguna ng tungkol sa pag-ibig – nina Julia at Tenyong - masasalamin pa nga ang impluwensya ni William Shakespeare[4] dahil mas gusto pang magpakamatay si Julia (Juliet din, di ba?) kaysa mapangasawa si Miguel at ang katagang Oh, abang buhay ano? di ka pa pumulas na tila hango sa O Death, where is thy sting?; b) pagsasalaysay ng walang katiyakang balangkas – dahil ang layunin ng dulang ito ay bigyan kasiyahan ang mga nanunood; c) pagiging sobrang sentimental – nina Julia at Tenyong, ang taumbayan, ang mga bilanggo lalo na ang ama ni Julia; d) puno ng pagpapakasakit at pagmamartir – ng ama ni Tenyong at mga kasama nitong bilanggo, ang ina ni Julia ay martir din, ang mga katipunero; e) pagbabalik sa kaayusan o pagpapanatili ng kaayusan – decorum[5]; f) pagiging didaktiko o mapangaral – pagpapaalala ng mga valyus ng buhay ngunit kadalasan naman ay di nasusunod; g) pagtakas sa katotohanan o “eskapismo” – upang hindi maramdaman ang kirot at hapdi ng mga sugat ng inang Bayan; h) katolisismong bulag o panatisismo – ang irony nang dula dahil hindi lahat ng nagsasabi ng isa at dalawa ay nagbibilang; h) patriotismong hilaw – tayong taumbayan ang makabagong Lucas at nalilito at di malaman kung sino ang ang taksil ng bayan at ang bayani ng bayan dahil ang the Filipino is worth dying for [6] subalit tila mas mahalaga yung limang daan piso kung saan nakasulat ito; at i) kung anu-ano pang katangiang mailusyon lamang – hindi tayo nabubuhay sa ilusyon lamang kundi kanin at ulam.

3) Hindi ako sang-ayon na ang dulang ito ay isang monumentum aere perennius [7] dahil, ang horizons of expectation in literary interpretation ay di naganap sa dulang ito kundi inilarawan lamang (saglit) ang mga sugat ni Inang Bayan at hindi binigyan ng awtor na kaya niyang lunasan ang sakit o kahit mungkahi [8] man lamang nang mga dapat na gawin [9] at hindi naganap ang exitus acta probat. [10]


III. KATANONGAN

1) Ano ang ibig sabihin ng Walang Sugat?

Ang pangkaraniwan (o, baga, laging) katapusan ng romantisismong Tagalog, “sila rin sa huli.” Hindi nasugatan ang kanilang dalisay na pag-iibigan. (Nakakitaan nga lamang ng paglilinlang.)

2) Ano ang nais ipabatid ng kuwento?

Love conquers all? O, makapangyarihang pag-ibig, hahamakin ang lahat, makamtan ka lamang!11

3) Kung ikaw ang nasa kalagayan ni Tenyong, gagawin mo ba ang kanyang ginawa?

Oo naman.

Bakit?

Dahil may karapatan ng bawat pag-ibig.

Ano nga ba ang ginawa ni Tenyong?

Ipinaglaban ang karapatan sa pag-ibig.

Para saan?

Para sa kanilang pag-iibigan ni Julia.

Para kanino?

Kay Julia.


======
TALASANGGUNIAN:

1) ang pagtitimbang muna ng damdamin bago sagutin ang manliligaw.

2) sentimental (to) comedy

3) Romantisismo, Estilong Pilipino Itinatak sa Nobelang Tagalog, ni Ruby Gamboa-Alcantara , (lektyur sa De La Salle University) http://www.panitikan.com.ph/criticism/romantisismo.htm

4) mula sa kanyang dulang Romeo and Juliet

5) ang redeeming quality ng bawat sinulat

6) mula kay Benigo “Ninoy” Aquino

7) immortal works of literature

8) “The rise of the novel is tied to objective changes in Philippine society…” mula kay Dr. Resil Mojares sa kanyang librong “The Origins and Rise of the Filipino Novel” na hinango ni Dr. ni Dr. Mario G. R. Rosal sa kanyang salaysay “The Iloco Short Story in the 1960’s and the Early 1970’s and the Theme of Alienation,” na nalathala sa St. Louis University Research Journal (Journal of the Graduate School of Arts and Sciences), SLU, Baguio City.

9) “I hope to find in (the social critics of his time such as Dreiser, Anderson, Lewis, Hemingway, Caldwell, and Steinbeck) a weapon strong enough to blast the walls that imprisoned the American soul. But merely describing the disease – they did not reveal any evidence that they know how to eradicate it…” ayon kay Susan Evangelista mula sa kanyang thesis na “My Education” ni Carlos Bulosan, na nalathala sa Ateneo de Manila University Press, 1985.

10) the event justifies the deed

11) hango mula sa isang tulang Tagalog

12) mababasa rin ang salaysay tungkol sa dulang ito sa www.kamalig.blogspot.com