Saturday, December 20, 2008

PASKO NG HIMAGSIKAN

Pasko ng Himagsikan

Sing-tamis ng sidles orens
ang ngiti ni Gabriela, 30.
May glorya ang mga matang maningning
at nakakahawa ang sigla, sipag at tiyaga.
Makulay ang pangarap ng balo sa anak
sa dalang pag-asa ng plantasyon ng orens.

Maginaw man ang umaga ng Brgy. Didipio,
mahimbing ang tulog ang bayan ng Kasibu;
ang Malabing Valley ay luntiang paraiso.

Paskong-pasko noo’y nag-iiyak ang Ifugao,
sinagpang daw ng minahan ng dayuhan
ang hinuhubdan-inaabusong paraiso.

Kumulo ang dugo sa inis.
Napipi sa mga tanong di masagot-sagot.
Di malunok ang agam-agam:
ang kinabukasan ng anak,
ang panangis ng mga katutubo,
ang pagwasak ng Didipio,
ang pagguho ng kapayapaan ng Kasibu.

At kailan lang, nagbayo ang dibdib, malakas
sumayaw daw si Gabriela ng bangibang.*
Ay, ang tikom na kamao ng mga api’y
nagsilang na naman ng kulog ng tag-araw.

Paulit-ulit ang kasaysayan
ng mga maralitang katutubo.
Lagi na lang dinadampot sa kangkongan,
ang kakarampot na subo’y inaagawan.
Lagi na lang inaapakan ng mga makapangyarihan;
lagi na lang ibinebenta sa mga dayuhan.

Umiiyak ang bukas:
sa taghoy ng bilanggong
nagpupumilit makawala sa kadena;
alam na alam may sinungaling
na nagbebenta ng kaluluwa.

Masdan ang mukha ng bukas:
malalaman mo kung sinong Hudas
ang nagkanulo ng bayan mo;
bigyan ng tubig, natitiyak ko
iinumin mo ang ‘yong luha sa habag.

Pakinggan ang salita ng bukas:
mga kataga ng karunongan
apuy ng himagsikan,
walang himala, walang himala
siya’y nadapa at nangangapa…



*bangibang – an Ifugao war dance; a declaration of war

3 comments:

ka loren said...

Whew!

Ganito ang tunay na pasko, maalab, naniningas, lumalagablab. Ibinigay ang nag-iisang Anak bilang Regalo sa sanlibutan.

Ano kaya kung ibigay din natin ang nagiisang gising na diwa sa kapakanan ng Bayan?

VF said...

May magagawa ba ang sayaw ni Gabriela,
Sa mga dasal ng tianak na si Gloria?

Ano ba ang pagkaiba ng Belen sa Pampanga sa mabangong hangin ng Cordillera?

Ka Iddo said...

ang malabing valley na binubuo ng 9 na barangay ay tinaguriang citrus bowl nga rehion 2... kapag in-open pit nila ang dinkidi site sa didipio, patayna ang citrus bowl... apektado ang pinanggagalingan ng tubig... patay na rin ang sidles orens business... patay na ang malawak na taniman ng kalabasa