Monday, January 07, 2008

MARAPAIT

(sa mga taga UP Diliman, lalo na kay zig and co... sa ma lit...happy reading!)

------------------------------------
Marapait [1]
Maikling Kuwentong Pambata
ni Jaime M. Agpalo, Jr.










PINAGPALA ang kabundokan ng Benguet ng ibat-ibang uri ng mga bulaklak.

Ang Benguet Lily ay napakaputi.

Ang Petty Mini Rose ay mga mumunting rosas.

Ang Baby’s Breath ay mga mumunting bituin sa lupa.

Ang Marapait ay kulay dilaw.

At marami pang iba. Sari-saring ang kulay at bango.

Isang araw, si Manang Biday ay namasyal sa Kafagway. [2] Masayang naglalakad sa ekshipit.[3] Namataan niya ang mga bulaklak.

“Ay, ang gaganda!” Hinaplos at hinagkan ang mga bulaklak. “Iuuwi ko sa Ilocos ang pinakamaganda sa inyo!”

“Ako a pinakamaganda! Putim-puti ako. Ako ang iuuwi!” Tuwang-tuwa si Lily.

“Mahiya ka naman sa balat mo! Ako yata ang rosas ng kabundokan. At pinakamabango!” Sabi naman ni Mini Rose.

“Hoy, pwede ba, magsitigil kayo? Ako ang pinakamaganda sa inyo. Dala ko ang kagandahang ng mga bituin. Kaya tinawag akong bituin sa lupa!” Agaw ni Baby’s Breath.

“Ano? Pwede ba? Kakaiba ako sa inyo. Dilaw ako, dilaw!” Sumabad din ni Marapait.

“A, basta, ako ang pinakamaganda. Para lalo pa akong gumanda, hihingi ako ng kaputian kay Ulop!” Ismid ni Lily.

“E, ako din, hihingi ng kutitap sa mga bituin para lalo akong magkutitap!” Sabad naman ni Baby’s Breath.

“Ako din, kay Hamog ako hihingi ng pampaganda!” Sabi naman ni Mini Rose, “Para lalo pa akong bumango…”

“Kay Buwan ako hihingi ng dilaw niyang liwanag para lalong tumingkad ang aking kulay!” Agaw naman ni Marapait.

Kaya, lalong gumanda sina Lily, Mini Rose at Baby’s Breath. May nagbibigay ng kanilang pampaganda. Bigo naman si Marapait.

“Ay, pasensya na, Marapait. Hindi kita matutulongan. Kakaunti lamang ang aking dilaw na liwanag. Hiningi ko rin ito kay Araw. Kulang pa nga, e. ‘Yun ang dahilan kung bakit ga-suklay lamang ako ngayon. Kung minsan nama’y nauubusan ako liwanag, kaya di ako makikita sa mundo.” Sabi ni Buwan.

Nalungkot si Marapait. Kantiyaw pa ang inabot sa mga kasamahan.

“Kapag nasa kapatagan na ako, susundan pa rin daw ako ni Hamog para lalong pagandahin!” Sabi ni Mini Rose.

“Ako rin! Pangako ni Ulop,” agaw naman ni Lily.

“Kayo lang ba? Hinding-hindi ako iiwan ng mga bituin!” Sabad ni Baby’s Breath.

Iniuwi ni Manang Biday ang Lily, Baby’s Breath at Mini Rose.

Mas lalong nalungkot si Marapait. Nag-iiyak. Iyak ng iyak.

Hanggang sumapit ang buwan ng Nobyembre. Dumating ang tag-lamig na dala ni Andap [4] na taga-Siberia. Bakasyunan ni Andap ang Probinsiya ng Benguet. Gustong-gusto kasi ni Andap ang bango ng mga saleng. [5]

“Bakit ka umiiyak?” Tanong ni Andap kay Marapait.

“Pangit ako. Sobrang pangit…”

“Hindi naman. Maganda ka, Marapait. Huwag mong pintasan ang sarili mo. Walang pangit sa ibabaw ng mundo. Lahat ay maganda. Lahat tayo ay nilikha ng Diyos. Walang pangit na nilikha ng Diyos.”

“Hindi totoo yan!. Sina Lily, Mini Rose at Baby’s Breath lang ang maganda. Sila lang ang dinala ni Manang Biday sa kapatagan. May pinagkukunan sila ng pampaganda. Dinadagdagan ni Ulop ang kaputian ni Lily, ang mga bituin naman kay Mini Rose, at kay Hamog naman kay Baby’s Breath.”

Tumawa lamang si Andap. “Hayaan mo, ako ang magbibigay sa iyo ng pampaganda. Kakaibang kagandahan. Naiiba sa lahat ng mga bulaklak!”

“Talaga? Tutulongan mo ako?”

“Oo, gagawin ko na ngayon. Kaya huwag ka nang malungkot, ha?”

Ginaw. Sobrang napakaginaw ang kapaligiran. Umulan ng uraro – ang ga-mais na kimpal ng yelo.

“Ay, habang lumalamig, lalong tumitingkad ang aking kulay. Lalong lumapad ang aking mga petalo.” Nakuha nang tumawa si Marapait. “Maraming maraming salamat, Andap. Napakabait mo.”

Sa isang sanga ng saleng, masayang umaawit ang dalawang ulemshew.[6] Masiglang sumayaw si Marapait. Natutuwa naman si Andap.
“Mula sa buwan na ito, hanggang pagdating ni Tag-araw, ikaw ang pinakamagandang bulaklak ng Benguet! Magpakarami ka at punuin ng kagandahan mo ang buong kabundokan Kordilyera!”

Kaya, tuwing tag-lamig, napakagandang tanawin ang mga Marapait. Nagkalat sila sa lahat ng sulok ng kabundokan ng Kordilyera.

“Ay, napakaganda! Ang ganda-ganda mo, Marapait!” Sabi ni Manang Biday nang muling dumalaw sa Kafagway. Dinampihan pa ng halik ang dilaw na bulaklak.

“Maraming salamat, Manang Biday...”

“Ikaw ang pinakamagandang bulaklak dito sa Benguet!.”

“Totoo, Manang?”

“Oo, naman. Nagsasabi ako ng katotohanan. Saan ka ba kumuha ng pampaganda mo?”

“Kay Andap po, na taga-Siberia.”

Napakaganda ang ngiti ni Manang Biday.

“Iuuwi mo rin ba ako sa kapatagan, Manang?”

“Hindi.”

“Bakit?”

“Huwag kang malungkot. Dahil ikaw ang pinakamagandang bulaklak dito sa Benguet, mas nararapat ka dito.”

“Hindi ba ako nababagay sa kapatagan?”

“Hindi ka dapat mailagay sa plorera na gawa ng tao. Ang dapat sa iyo ay ang pinakamalaki at pinakamagandang plorera, ang kabundokan mismo.” Paliwanag ni Manang Biday.

Matinding ginaw ang kapaligiran. Umulan ng uraro. Alam na ni Marapait kung sino ang dumating.

“Tama ang sinabi mo, Manang Biday. Mawawala ang kagandahan niya kapag dinala siya sa kapatagan. Dito na lang siya. Mainit doon. Malalanta siya. Hindi ko siya masusundan doon. Matutunaw din ako sa sobrang init.” Paliwanag ni Andap.

Kapag buwan na ng Nobiembre, narito na sa Benguet si Andap, mula sa Siberia. Dala niya ang napakalamig na klima. Mag-uulan ng uraro.

Magsimula na rin mamulaklak ang Marapait. Nakakaayang masdan ang dilaw niyang kagandahan sa lahat ng sulok ng kabundokan. Lalo kung idinuduyan ng hangin. Parang gintong-bundok ang tingin sa malayo ang kinumotan niyang bundok.

At pag-dating ng tag-init, maglalaho ang Marapait. Mamamatay. Upang sa panahon ng tag-lamig, muli silang isilang at pagandahin ang kabundokan. Mabuti na lamang nandiyan silang nagpapaganda ng kabundokan. Isipin mo na lamang, kung wala ang mga Marapait, ano ang itsura ng mga bundok na kinalbo ng mga mapagsamantala kay Inang Kalikasan? Ang pangit tignan, di ba?

Kaya, simula noon, hanggang ngayon, sina Baby’s Breath, Lily, Mini Rose at iba pang mga bulaklak lamang ang dinadala sa kapatagan. Maiiwan ang pinakamagandang bulaklak ng Benguet, upang pagandahin ang buong kabundokan ng Kordilyera… # (30)


1. Marapait---local term for sunflower
2. Kafagway---lumang pangalan ng Baguio
3. ekshipit – Nabaloi for wilderness
4. andap--- Nabaloi term for frost
5. saleng – local term pine tree
6. ulemshew – Nabaloi term for isang uri ng ibon

4 comments:

zigcarlo said...

salamat po nang marami sir jim, pinagbigyan nyo ako... agyamanac unay!

Sherma E Benosa said...

I love it, Sir Jim. Nagpintas daytoy sinurat mo. Thanks for sharing. :-)

jim said...

agyamanak, ading sherma, iti isasangbaymo....

Eljen Palomar said...

aNg ganda ng estoryahee; inspiring po..



pwedi rin po kayo dito sa www.tagalog-translator.com