Tuesday, September 18, 2007

HETERONYMS

Ang Salitang “Mano” sa Iluko ay Anim ang Heteronyms




Ang talasalitaan ng Wikang Filipino ay nagtataglay ng magkakatulad na tunog at baybay subalit magkakaiba ng kahulogan at diin. Mayroon ding salitang magkakaiba ang tunog at bigkas subalit magkatulad ng baybay. Ang kahulogan nito ay ayon sa diin at bigkas at gamit sa loob ng pangungusap. Ito ay ang heteronyms.

Halimbawa:
1.bakas - partner
bakas – footprint
2.aso – dog
aso – smoke
3.balat – skin
balat – birthmark
4.saka – farm
saka – later
5.labi – lips
labi – remains
6.tanda – old
tanda – mark
7.basa – read
basa – wet

Ang Iluko ay ang lengguahe ng mga Ilokano, kasama na rito ang ibat-ibang baryasyon nitong dayalekto.

Ano nga ba ang pagkakaiba ng lengguahe sa dayalekto? Ang lengguahe ay ang pangunahing salita at ang dayalekto ay ang mga baryasyon nito. Ang mga baryasyon ng Iluko ay kabilang ang Baguio Iluko, Bago-Iluko, Pangasinan-Iluko, Cagayan-Iluko, at marami pang iba.

Dahil marami ang baryasyon ng Iluko lumutang ang kakaibang pangyayari sa lingwistika, ang pagkakaroon ng anim na heteronyms ang salitang “MANO”

Karamihan na heteronyms ay dalawa, may tatlo. Ang pinakaparami sa Filipino ay apat:
1. paso – burns
2. paso – pass
3. paso – invalid/expired
4. paso – flower pot

Ngunit ang salitang “mano” sa lengguaheng Iluko ay anim ang heteronyms.

1. Mano. Kung magtatanong ka kung magkano ang presyo ng inyong bibilhin o dili kaya ay nagtatanong lamang kung magkano ang presyo ng bilihin. Ang mano rito ay pera ang katumbas. Ito ay isang pagpapaikli mula sa salitang, “sagmamano.”

2. Mano. Ginagamit ito kung magtatanong kung ilan ang bilang na gusto mong malaman. Mano? (Ilan?) Ang sagot: Lima. Kaya, bilang ang katumbas ay numero.

3. Mano. Ginagamit din ito sa pagtatanong ng bilang ng dami ngunit walang eksaktong bilang. Tulad ng mga sumusunod: isang trak na katao, limang kamalig ng bigas, napuno ang kolisyom, at marami pang iba ngunit walang depenitong bilang.

4. Mano. Una sa Tagalog. Kung sa laro, ikaw ang siyang unang maglalaro o dili kaya ay titira. Ikaw yung kauna-unahang gumawa. Ikaw ang una. Ang baryasyon nito sa salitang-tindahan ay nilalagyan na ng unlaping “buena” kaya nagiging buena mano. Ngunit ang ibig sabihin nito ay parehas din, ikaw na buena mano ay ikaw ang siyang unang bumili.

5. Mano. Ito naman ay ang kostumbreng Filipino na impluensiya ng mga dayuhan Ang paggalang sa mga matatanda sa pamamagitan ng paghahawak ng kanilang kaliwang kamay at saka ididiin ang kanilang kamay sa inyong noo habang ikaw naman ay nakayuko at ang matanda naman ay ikaw ay binebendisyunan.

6. Mano. Mayroon na namang unlaping “sagma” katulad din ng unang ehemplo. Tulad ng unang banggit, bilang din ito ngunit hindi na bagay kundi isang “sagot” na ang katumbas ay isang tayutay na litotes, ang kasalungat ng tayutay na hyperbole. Ginagagamit ng mga nagsasalita ng Iluko bilang isang pa-humble effect.

Halimbawa: Tinanong ni Illo kung maraming nahuling isda si Angkuan. Ang sagot naman ni Angkuan, ay “manmano.” Kahit kitang-kitang, napakarami ang huling isda ni Angkuan. Ito ay hindi nabibilang na pagdadamot kundi isang pamamaraan ng nagsasalita ng Iluko bilang pagpapakumbaba at hindi pagyayabang.

Ang pagdadami ng mga heteronyms sa isang lengguahe ay pagpapatunay na ito ay lumalago at lumalawak ang nasasakopan at dumadami ang nagsasalita nito.

Napakayaman ang lengguaheng Iluko. Kaya nagtataglay ito ng maraming baryasyon na dayalekto. Ang lengguaheng Iluko lamang ang natatanging lengguahe sa Pilipinas na mayroong organisasyon ng mga manunulat sa ibat-ibang sulok ng daigdig. Ito ay mula sa GUMIL Filipinas o kaya ay Gunglo Dagiti Mannurat nga Ilokano na itinatag noong 1969 at nagdadaraos ng taunang komperensyang nasyunal at kada dalawang taun ang internasyunal na komperensiya. Mayroong GUMIL Hawaii, California, Greece at marami pang iba. Ang literaturang Iluko ay isa na ring kurso sa mga unibersidad, tulad ng Unibersidad ng Hawaii sa Manoa, Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMSU) ng San Fernando City, La Union, at ang Mariano Marcos State (MMSU) sa Batac, Ilocos Norte.

Bilang tugon sa globalisasyon, may itinatag organisasyon ng mga manunulat ng Ilokano, ang Timpuyog Dagiti Mannurat nga Ilokano Global (TMI) upang pagyamanin ang lengguaheng Iluko sa pamamagitan ng paglilimbag ng mga libro at pagsasalin ng mga literatura nito sa English upang malaman sa sandaigdigan na napakayaman ang lengguaheng Iluko. Ang TMI America Chapter ang nag-oorganisa ng mga seminar at komperensyang naysunal (Nakem Conference 2007, MMSU, Batac City) at internasyunal (Nakem Conference 2006, University of Hawaii) na nagpapayaman ng kultura at literaturang Ilokano. Kamakailan lamang, noong Setyembre 8, nanumpa ang Timpuyog Dagiti Mannurat nga Ilokano Global-Philippines Chapter sa Lungsod ng Baguio.

========================================================================
TALASANGGUNIAN:

1. Belves, Paz M. et al. Sining ng Komunikasyon Filipino I (Pangkolehiyo). Quezon City: Rez Publishing Co., Inc., 2003.
2. Aquino, Fe O.. et al. Sining ng Komunikasyon. Mandaluyong City: National Bookstore, 2001.
3. Nolasco, Ricardo “Articles: Filipino and Tagalog, Not So Simple / How to Value Our Languages.” www.wika.pbwiki.com at www.dalityapi.com






.

No comments: