Tuesday, August 28, 2007

Mapapaaray ka nang mga Sugat sa “Walang Sugat” (PART TWO)

‘IPANAGKAKAYARI’ NG MGA MAGULANG ANG ANAK.

Ipinagkakayari ni (Ina) Juana, ang anak niyang si Julia kay Miguel na anak ni Tadeo. Sa literal na sitwasyon, maaring nangyayari pa ito. Parental Marriage kung tawagin. Mga magulang ang nag-uusap sa pag-iisang dibdib ng mga anak. Ano nga ba ang mas malalim na kahulogan ito kung bakit inilarawan ni Severino Reyes sa kanyang dula? Mayaman ang mag-amang Tadeo at Miguel at maimpluensiya. Hindi gaanong mayaman sina Ina Juana at Julia. Nasasalamin dito ang malaking puwang sa pagitan ng mayaman at mahirap. Masasalamin dito ang kahirapan ang siyang magtutulak nang mga magulang na ‘ipagkakayari’ ang anak.

Noong panahon ng Hapon, ang payo ng mga magulang sa anak na dalaga: “Anak, dumarating na ang mga Hapon, magtago ka na.” Ngayon naman ay may mangilan-ilan ang nagsasabi, “Anak, dumarating ang mga Hapon magpaganda ka at lumabas ka na, baka ikaw ay maunahan!”

Napakakirot at napakahapding sugat ng lahi, dumudugo. Bumabaha sa lipunan. Ang sanhi, kahiraapan. Ang kahirapan ay magulang ng rebulosyon at krimen.2 Hindi ba palaging may nagaganap na rebolusyon at laganap ang krimen sa ating bansa?

Tatawanan ba natin ang kahirapan at hayaang ang madla na maging lotto at jueteng mentality? Hahayaang ba na ang inang Bayan ay malugmok sa kahirapan? Hahayaan ba natin mapariwara ang kababaihang Pinay sa putikan?

Nasa ating kamay ang lunas. Patuloy pa rin ba nating pagtatawanan ang sugat na ito? Bumabaha ang dugo sa mga lansangan sanhi ng kahirapan. Huwag sana natin pulotin sa kangkongan ang Inang Bayan.


PATRIOTISMONG HILAW


Sa dula, nailarawan ang mga nagkukunwaring totoong Katipunan na anak ng bayan at mga Makabebe na taksil ng bayan. Kaya tuloy, hindi nalaman ni Lucas kung sino ang mga tunay at hindi nagmamahal sa bayan. A, nagkakamot ng di naman makating tuktok si Lucas.

Sa panahong ito, tayong taumbayan ang Lucas sa dulang ito. Nalilito, at di malaman kung sino ang tunay na bayani at ang taksil ng bayan.

Ang dapat sana ay kung ano ang maibibigay sa bayan hindi kung ano ang makukuha Kanino at sino nga ba ang mga nagbibigay sa bayan? At kanino nga ba at sino sino sila ang mga nakikinabang sa bayan?

Ang patriotismong hilaw ay laganap na sakit ng lipunan. Umaagos ang dugo mula sa mga ugat ni Inang Bayan.


SA KUKO NG KOLONISASYON.


Masasalamin din sa dulang ito ni Reyes. Ang pagsakop ng mga dayuhan, Hindi lamang ang bayan ang inalipusta kundi pati na rin ang puso at kaisipan at kaluluwa ng mamamayan.

Nakakatawang nakakainis. Nakakatawang walang sugat, ngunit iyon pala ay tumagos hanggang sa kaibutoran ng puso at kaluluwa ang sugat ng kolonisasyon. Umaagos ang dugo mula sa mga ugat ng lahi.

Hindi lamang kaisipan at pag-iisip kundi istilo ng pamumuhay. Sa buong Asya, ang dilang Pilipino ang pinakagrabeng sinugatan ng kolonisasyon. Durog-durog na ang mga etnikong dila. Ang iba ay patay na.

Ang bunga ng kolonisasyon ay isang bulok na kamatis sa isang bayong. Kung patuloy na pinababayaan at pagtatawanan lamang, darating din ang araw na bulok na lahat ang mga kamatis.

KONKLUSYON


Hindi humiwalay sa punto ng romantisismo3 ang dula. Ito ay nalulugmok sa mga sumusunod:

1) Pangunguna ng tungkol sa pag-ibig – sa dula, nangunguna ang tungkol sa pag-ibig nina Julia at Tenyong; masasalamin pa nga ang impluwensya ni William Shakespeare mula sa kanyang dulang Romeo and Juliet. Hindi ba mas gusto pang magpakamatay si Julia (Juliet din, di ba?) kaysa mapangasawa si Miguel?

2) Pagsasalaysay ng walang katiyakang balangkas – dahil ang layunin ng dulang itoy a bigyan kasiyahan ang mga nanonod

3) Pagiging sobrang sentimental – sentimental ni Julia at Tenyong, ang taumbayan, ang mga bilanggo lalo na ang ama ni Julia

4) Puno ng pagpapakasakit at pagmamartir – ng ama ni Julia at mga kasama nitong bilanggo, ang ina ni Julia ay martir din, ang mga Katipunero

5) Pagbabalik sa kaayusan o pagpapanatili ng kaayusan; decorum – ang redeeming quality ng bawat sinulat

5) Pagiging didaktiko o mapangaral – pagpapaalala ng mga valyus ng buhay ngunit kadalasan naman ay di nasusunod.

6) Pagtakas sa katotohanan o “eskapismo” – upang hindi maramdaman ang kirot at hapdi ng mga sugat, kailangan ng tumawa. Sige, tumawa ka lang kung gusto mo. Humagikgik ka. Siguradohin mo lamang na hindi ang sarili mo ang inyong tinatawan.

7) Katolisismong bulag o panatisismo – Uhumn, ang irony sa dula. Magtatakip ka na lamang ng ilong dahil sa gabundok-bundok na basura at amoy asupre. Hindi lahat ng nagsasabi ng isa at dalawa ay nagbibilang.

8) Patriotismong pilit – sa oras ng kagipitan, nasa USA at The Netherlands ba ang tunay makabayan? The Filipino is worth dying for,4 ngunit tila mas mahalaga yung limang daan piso kung saan nakasulat ito.

9) Kung anu-ano pang katangiang mailusyon lamang – hindi tayo nabubuhay sa ilusyon lamang kundi kanin at ulam.

Makikita lahat ito sa dula ni Severino Reyes, ang “Walang Sugat” ngunit umaagos pala ang dugo ng lahi sa dami ng sugat. Mas masakit, mas makirot, mas mahapding mga sugat, dahil hindi ito pisikal na sugat kundi sugat-tatak ng bawat Pilipino. #



===============
TALASANGGUNIAN:

1) English Communication Arts & Skills Through Filipino Literature, Phoenix 21st Century Series, Fifth Edition, by Josephine B. Serrano and Milagros G. Lapid
2) Ayon kay bantog na Aristotle
3) Romantisismo, Estilong Pilipino Itinatak sa Nobelang Tagalog, ni Ruby Gamboa-Alcantara , http://www.panitikan.com.ph/criticism/romantisismo.htm (lektiur sa De La Salle University)
4) Ayon kay Benigno “Ninoy” Aquino









No comments: